top of page
Search

Babae at Baril: Bakit Kailangan ng Babae ang Baril?

  • Writer: BSP SECRETARIAT
    BSP SECRETARIAT
  • Mar 28, 2021
  • 3 min read


Sa isang patriyarkal na lipunang pinamumugaran ng mga mapagsamantalang gagamitin ang lakas at kapangyarihan upang makapanghamak ng iba, may isang natatanging instrumento na makapagpapatigil sa kanilang pag-angil. Sa oras na mapasakamay ito ng isang taong sukdulan na ang galit sa kaliwa’t kanang pang-aabusong natatanggap mula sa kapaligiran, nariyan ang patuloy na banta ng pagkalabit ng gatilyo nito. Ang pelikulang ito ay nagpapakita ng mga problemang kinakaharap hindi lamang ng mga kababaihan ngunit maging ang mga problema ng lipunang ginagalawan nito. Ipinakita rito ang mga problemang panlipunang gaya ng pagkapit sa patalim, EJK, panggagahasa at iba pang suliraning tinatapakan ang mga kababaihan sa loob ng isang patriyarkal na lipunan.


May makapanindig-balahibong pambungad na awitin ang pelikula. Gamit ang awiting pinamagatang Alak, Sugal, Kape, Babae, Kabaong ng Radioactive Sago Project, nagbigay ito ng kakaibang impak at impresyon sa kung papaano iikot ang kwento. Nagpatuloy ang pagkuha nito ng atensyon at nagpalago ng kuryosidad ng mga manonood dahil sa pinaghalong kulay, tunog, at lokasyon.


Samantala, ang interaksyon ng babae at ng baril ay magsisimula sa oras na mapasakamay ni Janine Gutierrez, isang Saleslady ng isang kilalang department store, ang baril na itinapon sa basurahan sa harap ng kaniyang tirahan. Bunga ng abusong natanggap mula sa katrabaho, iritasyon mula sa tinderong tutok sa telebisyon, at inis sa mga lasenggong panay ang hindi kanais-nais na pagtawag, walang atubiling dinampot niya ito at itinago sa kanyang pulang blusa. Pagkatapos ay magkakaroon ng panibagong eksenang tila ba malayo sa kasalukuyang istorya pero kalaunan ay magbibigay-linaw sa tanong kung bakit nasa basurahan ang baril at kung bakit ito may disenyong puso. Ipinakita na ang pinagmulan ng baril sa isang pulis na nakipag-away sa isang binatilyong pinagsususpetiyahang nagtutulak ng droga. Pagkatapos ay ipapasa niya ito sa panibagong binatilyong nais itong gamitin upang protektahan ang sarili at ang nakababatang kapatid na babae mula sa mapang-abusong ama, bago ito tuluyang napasakamay ng babae.


Isa ang baril sa mga sandatang may matinding panganib na dala. Maaari man itong gamitin upang protektahan ang sarili, may kasabay pa rin itong panganib sa taong tututukan natin. Sa pelikulang ito, baril ang naging instrumento upang pag-ugnayin ang magkakaibang kwento sa madilim at makipot na lugar na iyon. Matapang na ipinamalas ng direktor na si Rae Red ang pasilip sa buhay ng mga dinatnan ng baril na may mga isyung panlipunang iniiwasang talakayin. Naipakita ang iba't ibang mukha ng karahasan at pang-aabusong dahilan kung bakit nila kinailangan ang kapangyarihan ng baril maging ang dahilan ng pagbitaw nila rito. Idagdag pa ang nakababahalang ideyang ipinakita sa pelikula kung saan sa murang edad pa lamang ay bukas na ang isip ng bata sa mukha at gamit ng baril, na para sa isang inosenteng batang ang baril na nakikita’y isa lamang laruan. Ito marahil ang dahilan kung bakit dinikitan ito ng sticker na puso ng isang batang babae. Ito rin ang naging palatandaan na iisang baril lang ang naging saksi sa iba't ibang hirap ng mga tao sa lipunan.


Pinatunayan ng pelikula ang tapang na naidudulot ng baril sa mga taong may hawak nito. Nababalutan ng kapangyarihan nito ang takot na nagiging sanhi ng lakas ng loob na maghiganti sa mga nang-aapi. Patunay din na habang umiikot ang roleta ng pang-aabuso, patuloy pa ring pinagpapasa-pasahan ang baril ng mga uhaw sa paghihiganti. Gayunpaman sa pagtatapos ng pelikula, matapos na mapagtanto ang kapangyarihang dala ng baril, matapang itong hinagis ng babae sa isang ilog bilang tanda ng pagtatapos ng dahas na maidudulot nito. Matapang na pinutol ang walang katapusan ikot ng paghihiganti.



Suri mula kay: Edmarie Clacio



Disclaimer: Ang larawan sa ibaba ay likha ng kasapi ng BSP na hinango mula sa orihinal na larawan ng naturang palabas.



 
 
 

Recent Posts

See All
Junk Anti-Terrorism Law

OPISYAL NA PAHAYAG NG PUP-BUKLURAN SA SIKOLOHIYANG PILIPINO HINGGIL SA PAGSASABATAS NG ANTI-TERRORISM BILL SA KABILA NG COVID-19 Tuluyan...

 
 
 

Comments


Post: Blog2_Post
bottom of page