top of page
Search

Kulay ng Kapayapaan

  • Writer: BSP SECRETARIAT
    BSP SECRETARIAT
  • Jul 2, 2020
  • 1 min read

Updated: Jul 5, 2020

Kung isasangkapan ang lente ng nakararami

Itinataas ang bughaw bilang itinatangi

Ang kapayapaang kilala sa pagkamabini

Ay tanda ng kaniyang pagkakakilanlan at puri


Ang lamyos umano nitong hinirang na katoto

Magpapatunay na siya’y matikas at maginoo

Na ang lamig dala ng kaniyang hele at paghipo

Ay malambing na himnong sa madla’y magpapaamo


Subalit nagbunga ang aking pagbubulaybulay

Nang tala sa dilim sa aki’y may ipinatunghay

Kung kapayapaa’y ginhawa’t ‘yon lamang ang taglay

Ito’y ilusyong tila damong nag-aanyong palay


Wangis ba ng kapayapaan ang pananahimik

Kapalit ng gabi-gabing taimtim na paghimbing?

Matatawag bang kapayapaan ang pagtalikod

Kapalit ng kapanatagang dulot ng paglimot?


Tulog ang diwang nag-aasam ng puro sa dusa

Sa putaheng hinaluan ng asukal ang luha

Ang siyang malaya sa nagsasayawang mga linya

Ay marikit na panulat na walang lamang tinta


Ang kapayapaa’y busilak, matapat at saksi

Ni minsa’y di nakalimot, napipi o nabingi

Ang kapayapaa’y ‘di nababahiran ng dumi

Duming ‘di dulot ng putik kundi pagkukunwari


Ang kapayapaang walang kulay, pino’t totoo

Ay ang siyang kulay na sumasalamin sa ‘sanlibo-

‘Sanlibong mga kulay na matitingkad at buhay

‘Sanlibong mga kulay, mapanglaw na tila patay

‘Sanlibong liwanag sa iba’t-ibang anyong taglay


Anonymous


(Ang larawan ay likha ni Cheyenne Lazaro)


 
 
 

Recent Posts

See All
Junk Anti-Terrorism Law

OPISYAL NA PAHAYAG NG PUP-BUKLURAN SA SIKOLOHIYANG PILIPINO HINGGIL SA PAGSASABATAS NG ANTI-TERRORISM BILL SA KABILA NG COVID-19 Tuluyan...

 
 
 

Comments


Post: Blog2_Post
bottom of page