Sa Durungawan
- BSP SECRETARIAT
- Jul 1, 2020
- 1 min read
Napakasarap pagmasdan ang tanawin mula sa durungawan. Kay aliwalas at ganda ng paligid. Ang sinag ng araw ay tumatama sa ilog na pinagmumulan ng maingay na rumaragasang tubig. Ang mga matitikas na punongkahoy ay may makikintab na kulay luntiang dahong sumasayaw kasabay ng mabining ihip ng hangin.
Kaysaya ng araw na iyon maliban sa isang bagay. Isang mataba at napapanot na ginoo na tila may sinisilip sa likod ng isang matandang punongkahoy ang tuwang-tuwa sa kaniyang pinanonood. Nang aking silipin, natanaw ko ang isang masiglang dalagang masayang nagtatampisaw sa nagngangalit na ilog.
Hindi ko mawari kung bakit tila may pagnanasa sa mga mata ng ginoo. Balot na balot ang dalaga at ni hindi kakikitaan ng kahit na anong bahagi ng katawan. Ngunit bakit, bakit nagagawa mo pa ring pagnasaan si Maria Clara, Padre Salvi? Bakit ka nagpapadala sa iyong makasalanang pita ng laman? Bakit ikaw, ikaw na siyang naglilingkod rin sa simbahan?
Comments