top of page
Search

Junk Anti-Terrorism Law

  • Writer: BSP SECRETARIAT
    BSP SECRETARIAT
  • Jul 4, 2020
  • 2 min read

OPISYAL NA PAHAYAG NG PUP-BUKLURAN SA SIKOLOHIYANG PILIPINO HINGGIL SA PAGSASABATAS NG ANTI-TERRORISM BILL SA KABILA NG COVID-19


Tuluyan nang naisabatas ang Anti-Terrorism Bill na naglalayong patatagin ang Human Security Act of 2007 laban sa terrorismo matapos itong lagdaan ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong ikatlo ng Hulyo taong 2020.


Bagamat ang layon nito'y protektahan ang mamamayang Pilipino, hindi maitatangging marami ang sumasalungat sa nasabing panukala. Nakapaloob kasi rito na maaaring makulong ang hinihinalang terorista nang hanggang 14 araw ng walang kaso. Nakasaad ring kahit ipapaalam sa korte ang "surveillance" ng hinihinalang terorista, mauuna muna ang mga itong makulong bago maipaalam ang mga hakbang laban sa kanila. Dahil dito, maaaring maabuso ang panukala at maaari ring gamitin ng administrasyon laban sa mga kritiko.


Matatandaang sa mga nagdaang buwan, kinakalampag ng taumbayan ang Senado at Kongreso upang bawiin nito ang pagsang-ayon sa pagpapasa ng panukalang ito. Ngunit tila naging bingi at bulag-bulagan ang mga taong dapat na pumoprotekta at sasangga sa mamamayang Pilipino sa anumang kapahamakan. Kung pahihintulutan natin ang ganitong uri ng batas na umiral sa ating bayan, mamumutawi ang karahasan at kawalan ng hustisya. Ang ating kalayaan at mga karapatan ay nasa bingit na ng bala at dugo.


Ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas - Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino (PUP-BSP) ay mariing tumutuligsa sa pagsasabatas ng mapanlupig at hindi makatarungang Anti-Terrorism Law, sa kadahilanang ito ay yumuyurak sa mga karapatan na ibinigay ng demokrasyang nabuo sa pamamagitan nang pakikipaglaban sa karahasan at diktadurya. Ito ay isang manipestasyon na hindi ang pandemya ang binibigyang pagpapahalaga ng pamahalaan kundi ang sarili nitong mga interes at pananakot sa masa. Huwag sana tayong pasisiil sa ganitong klase ng karahasan at patuloy nating labanan ang salot na kumikitil sa buhay at isip ng bawat Pilipino.


Bilang organisasyon na nagsusulong ng pakikipagkapwa, nananawagan kami sa lahat ng Iskolar ng Bayan na makiisa sa pagtutol sa Anti-Terrorism Law. Ito ay hahadlang hindi lamang sa pagkamit ng ating kalayang magpahayag at mag-isip kundi maging sa pagbuo ng ating sariling identidad bilang mga Pilipino na tunay na malaya sa mga dayuhang impluwensya. Naniniwala ang PUP-Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino na ang pagsasabatas nito ay porma ng pagtapyas ng ating pagkakakilanlan at magsisilbing rehas laban sa pagtuklas at pananaliksik ng mga disiplinang atin kagaya na lamang ng Sikolohiyang Pilipino. Ano ang silbi ng pag-aaral ng Sikolohiyang Pilipino kung hahayaan natin na mamayagpag ang batas na lumilimita sa ating pagkakataon na matuto at makilala ang tunay na tayo? Kaya sa bawat mamamayan ng bansang ito, manatili tayong matatag at patuloy na makibaka sa pagsasabasura ng batas na magiging lisensya ng pang-aabuso.


May lehitimong BSP na asertibo, mapagpalaya, at makakapwa pa ba sa hinaharap kung magpapatuloy ang pagabante ng Anti-Terror Law?




Source: ABS-CBN News

 
 
 

Kommentare


Post: Blog2_Post
bottom of page