top of page
Search

BSP PASKUHAN 2020: Sa Naratibo ni Bb. Cristine Abia

  • Writer: BSP SECRETARIAT
    BSP SECRETARIAT
  • Mar 28, 2021
  • 5 min read

INTRODUKSYON


Planong isagawa ang Paskuhan 2020 noong ika-27 ng Disyembre sa taong 2020 ngunit dahil sa ilang hindi inaasahang pangyayari tulad na lamang ng pagpapatupad ng lockdown dulot ng pandemya at ilang mga nagdaang bagyo, kinailangang ilipat ang petsa ng pagsasagawa ng Paskuhan na siya namang malinaw na naipaliwanag sa mga nagpaabot ng donasyon at sumuporta sa Paskuhan.


Ika-10 ng Enero sa taong kasalukuyan (2021) nang matagumpay itong naisagawa sa mga kapatid nating Aeta sa Nabuclod, Floridablanca, Pampanga. Ang ilang kasapi ng Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino (BSP), alinsunod na rin sa ipinatupad na protokol ng pamahalaan ay ligtas na nakapamahagi ng animnapung (60) piraso ng foodpacks sa ilang pamilya ng taga-Sitio Labuan.


BYAHE PAPUNTANG SITIO LABUAN


Pasado alas-nuwebe (9AM) nang makarating kami sa Nabuclod, Pampanga. Inihatid kami ng social worker sa eksaktong lokasyon pagkarating namin sa munisipyo. May kasukalan at pataas ng bundok ang tinahak naming daan papunta sa Sitio Labuan, ngunit makikita naman na kahit papaano ay sibilisado ang lugar dahil sementado na ang ilang daan dito. Inabot kami ng halos isang oras sa pagtahak ng mismong target na lokasyon ng pamamahaginan at pasado alas-onse (11AM) nang makarating kami sa barangay hall ng Sitio Labuan. Kapansin-pansin na palapit na kami sa Sitio Labuan dahil nakita namin ang payak na pamumuhay sa komunidad ng mga katutubo.


PAGDATING SA SITIO LABUAN


Taliwas sa inaasahan naming maraming tao, wala kaming nakitang mga pamilyang nagkakatipon-tipon sa covered court na nasa tapat ng barangay. Nabanggit ng social worker na inaasahan ng mga taga-Sitio Labuan na umaga ang aming pagdating kung kaya naman noong wala pa kami sa naibigay na oras ay bumalik ang lahat sa kanilang tahanan. Makikita ang lubos na pagpapahalaga ng mga katutubo sa oras. Nadatnan namin ang ilan sa mga batang naglalaro sa covered court ngunit mailap sila sa amin nang una nila kaming makita, ngunit hindi naman nagtagal ay nakuha namin ang kanilang matatamis na ngiti at loob nang magsimula kaming magpakilala bilang ate at kuya. Nag-abot kami ng aming mumunting pasalubong o mga kendi sa bawat batang makikilala namin at kapansin-pansin na magiliw naman silang lumalapit at nagpapakilala dahil na rin sa dala naming kendi.


Napansin din namin ang kakaibang mga laruan ng mga bata tulad na lamang ng piraso ng gulong na goma na kanilang isinasama sa pagtakbo. Mayroon din silang laruang sinasakyan ng isa at hinihila o itinutulak naman ng isang kalaro. Ang laruang kahoy na sinasakyan ay maihahalintulad sa scooter. Ito ay gawa sa dalawang pinagdikit na kahoy at mayroong gulong sa ilalim at tulad ng nabanggit ay hinihila ng isang kalaro habang isa naman ay nakasakay upang mapaandar. Tradisyunal at madalas ay pisikal ang paraan ng paglalaro ng mga bata sa Sitio Labuan.



PAMAMAHAGI


Pagkaraan ng ilang minuto ay sinalubong kami ng isa sa mga katutubo na siyang nakikipag-ugnayan sa social worker. Mapapansing isa siya sa mga namamahala sa lugar dahil sa kaniya nakikipag-ugnayan ang social worker hinggil sa mga detalyeng may kinalaman sa mga pamilyang nasa Sitio Labuan sa Pampanga. Nagbahay-bahay kami upang simulan ang pag-aabot ng mga foodpacks sa animnapung (60) piling pamilya sa Sitio. Mababakas naman ang pasasalamat sa kanilang mga ngiti sa kabila ng kakaunting tulong na naipaabot namin sa kanila.


Sa pamimigay ng foodpacks, nagkaroon kami ng pagkakataon na makahalubilo at magkaroon ng interaksyon sa mga Aeta ng Sitio. Habang namamahagi ay kapansin-pansin na komportable nang lumapit sa amin ang mga bata, nagkaroon pa ng pagkakataon na maitirintas (braid) ng isa sa mga bata ang ilan sa aming kasapi. Nabigyan rin kami nang pagkakataon na mas makilala at makausap ang ilan sa mga matatanda sa komunidad na siyang mabilis na nakapalagayan namin ng loob.


Komunidad ng Sitio Labuan


Bagama’t sementado ang pangunahing kalsada sa Sitio, matarik at mabato naman ang daan patungo sa ilang bahay kaya't kinailangan ng pag-iingat sa pag-akyat dahil may kadulasan ang lupa at hindi patag. Kubo ang karaniwan sa mga bahay na gawa sa pawid na binubuo ng kawayan, rattan at tinuyong dahon ng niyog (coconut leaves). May mangilan-ngilan rin namang mga bahay na gawa sa bato at sementado tulad na lamang ng kanilang barangay hall at sari-sari store. Magkakahiwa-hiwalay ang mga bahay at rural na rural ang kapaligiran sa komunidad dahil puno ng mga halaman at ilang hayop tulad ng manok at aso ang makikita sa paligid. Kapansin-pansin ring mayroon silang maayos na water system sa lugar at ang ilang bahay ay makikitaan ng poso. Payak na pamumuhay ang makikita sa komunidad ng Sitio Labuan.


Pagkatapos mamahagi ng foodpacks, mga ala-una o alas-dos ng hapon (1pm or 2pm) ay bumisita kami sa pasyalang dinarayo ng ilang tao na hindi naman kalayuan sa komunidad na aming pinamahagian. Sa kaunting paakyat na bahagi ng komunidad ay makikita ang nakakamangha at magandang tanawin. Nadatnan namin ang luntiang paligid dahil sa maraming damo at halaman, banayad ang simoy ng hangin at kay asul ng langit. Masarap din sa pakiramdam na makita ang ilang bundok at talagang matatanaw mo ang ilang pamayanan sa ibaba.


Ang Mamamayan ng Sitio Labuan


Bilang pagsunod sa alituntunin ng lokal na pamahalaan at para na rin sa seguridad ng mga katutubong mamamayan ng Sitio Labuan sa Pampanga, sumunod at naghanda ang aming organisasyon ng mga kaukulang papeles para sa kaligtasan ng lahat.

Ang mga mamamayan sa napiling lugar na pamahagian ay mga katutubong matagal nang namamahagi sa Sitio, sila ay may kulot na buhok, bilugang mata, may kaitiman ang balat at hindi naman ganoong katangkaran.


Mababakas ang pagdadalawang-isip sa pakikipag-usap at pakikihalubilo ng ilang mamamayan noong unang pagtapak namin sa kanilang lugar. Mararamdaman mong maingat at nagmamasid ang mga mamamayan ng Sitio Labuan sa aming pagdating, subalit hindi rin nagtagal ay nagkapalagayan rin ng loob ang bawat isa. Nakilala namin ang ilan sa mga bata at matatandang magiliw na bumati sa amin. Kapansin-pansin rin na dahil sa lokasyon at paraan ng pamumuhay sa komunidad, ang mga matatanda ay may malalakas na pangangatawan sa kabila ng kanilang edad.


Isa sa mga nakahalubilo namin na matanda ay halos mag-iisang daang taon na subalit matatas pa rin siyang nakapagsasalita at kahit na may tungkod na ay malakas pa rin siyang nakalalakad. Naibahagi niya kung sino-sino sa komunidad ang kanyang mga anak at apo. Nakaaaliw ring makinig sa kanyang kwento hinggil sa kanilang payak na pamumuhay at ang kanyang sikreto kung bakit mahaba ang kaniyang buhay. Masiyahin ang matanda at mahilig sa makukulay na damit, may suot siyang ilang palamuti sa katawan tulad ng kwintas na gawa sa makukulay na beads. Nakakatuwa ring marinig na mahilig itong sumayaw at nabanggit pa ngang may natutunan siyang bagong sayaw.


Ang volunteer na isa sa katutubong nakasama namin sa pamamahagi ay nasa pitumpung taong gulang (70 yrs old) subalit hindi kapansin-pansin sa kaniyang pisikal na pangangatawan ang kaniyang edad. Sanay na sanay sa pisikal na mga gawain ang mga mamamayan ng Sitio Labuan kaya naman hindi nakakagulat na ang nakatatanda sa kanilang lugar ay may malalakas na pangangatawan.


KONKLUSYON


Ang Paskuhan 2020*1 ay matagumpay na naidaos sa Nabuclod, Pampanga kung saan nakapamahagi ng foodpacks ang ilang miyembro ng BSP sa mga pamilya ng Sitio Labuan. Ang ganitong gawain ay magandang pagkakataon upang makapag-abot ng tulong sa ilan sa mga katutubong mamamayan na hindi gaanong nabibigyang pansin sa mga pamayanang lokal lalong-lalo na ngayong panahong may pandemya. Magandang opurtunidad rin ang ganitong gawain upang mas mapaigting pa ang pag-aaral at mas mapalalim pa ang kaalaman sa Sikolohiyang Pilipino.



 
 
 

Recent Posts

See All
Junk Anti-Terrorism Law

OPISYAL NA PAHAYAG NG PUP-BUKLURAN SA SIKOLOHIYANG PILIPINO HINGGIL SA PAGSASABATAS NG ANTI-TERRORISM BILL SA KABILA NG COVID-19 Tuluyan...

 
 
 

Comments


Post: Blog2_Post
bottom of page