top of page
Search

Ika-16 Kaarawan ni Buknoy: Pagbabalik-tanaw sa Makalumang Porma ng Pagsulat

  • Writer: BSP SECRETARIAT
    BSP SECRETARIAT
  • Aug 18, 2020
  • 3 min read

Updated: Mar 29, 2021

Tuwing ika-walo ng Agosto, sama-samang ipinagdiriwang ng Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino o BSP ang kaarawan ni Buknoy na siyang itinuturing na anibersaryo ng samahan. Si Buknoy ay isang katauhang ginagamit ng samahan bilang personipikasyon ng organisasyon. Itinuturing siya ng lahat ng miyembro bilang wangis-tao at mapagkatitiwalaang kaibigan na maaari nilang lapitan. Magmula ng maitatag ang samahan noong 2004, ika-labing anim na taon na sa taong itong nananatiling matatag ang organisasyon at kasalukuyan pa ring nagpapatuloy sa pagtupad ng kanilang nilalayong tunguhin para sa Sikolohiyang Pilipino.


Nitong ika-walo ng Agosto taong 2020, ginanap ang kapana-panabik na anibersaryo ng samahan sa pamamagitan ng Google Meet. Nagsimula ang okasyon sa oras na ikatlo ng hapon na siya namang dinaluhan ng mga miyembro, naging miyembro, at nais maging miyembro ng organisasyon. Pinangunahan ng ehekutibo ang paghahanda at pagsasagawa ng nasabing selebrasyon. Sa mga naunang sandali, kakaunti pa lamang ang mga nakilahok at nanuod ngunit kapansin-pansing unti-unti rin itong nadaragdagan habang tumatagal ang programa. Sa katunayan, umabot sa higit talumpu ang naitalang kabuuang bilang ng mga kalahok na kinabibilangan ng mga kasalukuyan at bagong kasapi gayundin ng mga alumni sa pagtatapos ng okasyon.


Ang tumayong punong-abala sa hapong iyon ay ang isa sa pamunuan ng Lupon ng Kasanayan at Pag-unlad na si Daphne De Guzman. Opisyal nyang binuksan ang pagtitipon sa pamamagitan ng pagpapasalamat sa presensiya ng mga dumalong kasapi. Sinundan naman ito ng pampaganang laro na inihanda ng Tagapagtuos na si Gezeme Santillan na siyang kinaaliwan ng lahat. Nagsilbing malikhaing paraan ito upang magkakilala ang bawat isa at magkaroon ng interaktibong simula ang pagtitipon. Tinawag ang larong ito na Mood Setting. Ang laro ay umikot sa isang sistema kung saan pipili ang Tapagtuos ng magpapakilala mula sa mga dumalo. Ang napiling kalahok ay magbibigay ng iilang impormasyon patungkol sa sarili sa pormat na: pangalan, taon at kurso, at ang kasalukuyang mood nito. Pagkatapos, ang Tagapagtuos ay kukuha ng tanong mula sa electronic shuffle ng mga katanungan na kung saan ay sasagutin ng kasalukuyang kalahok.


Nang mapakalma na ang lahat mula sa masayang pakikipagkilala, inihayag ng Ikalawang Pangulong Panlabas na si Ma. Peach Ogbac ang kaniyang panimulang pagbati bilang pormal na pagtanggap sa mga dumalo. Nagbahagi rin ito ng kaniyang karanasan bilang miyembro ng organisasyon. Matapos nito, tumungo ang programa sa isang talakayan at maikling diskusyon ukol sa leksiyon patungkol sa Baybayin. Ang kasalukuyang kalihim ng BSP na si Christopher John Versoza ang nagsilbing tagapagturo. Tinalakay ni Ginoong Versoza ang kasaysayan at kalikasan ng baybayin at ang tamang paraan ng paggamit nito. Maliban dito, nagkaroon rin ng kaunting patimpalak na siyang sumubok sa husay sa pagsulat ng baybayin ng mga dumalo pagkatapos ng leksiyon. Sa nasabing patimpalak, nasubok ang husay ng mga kalahok sa pagsalin ng mga salita, parirala at pangungusap sa baybaying anyo. May kalakip na gantimpala naman ang nasabing palaro na inihanda ng Taga-ingat Yaman na si Edmarie Clacio kung kaya’t mas lalong na-engganyo ang mga nakilahok sa pagsagot.


Matapos ang palaro, ipinalabas naman ang inihandang Audio-Visual Presentation (AVP) na naglalaman ng mga larawan ng masasayang ala-ala ng samahan sa nagdaang 16 na taon. Sa pagtatapos ng munting AVP, inawit ng lahat ang awiting “Maligayang Bati” upang batiin ang persona ni Buknoy. Kasunod nito, itinanghal at kinilala ng lahat ang mga nagwagi sa nabanggit na patimpalak. Ito ay sina: Arne Mertens, nasa unang taon sa kursong Batsilyer ng Agham sa Sikolohiya kung saan ay dalawang beses itong nagwagi; Edmarie Clacio, nasa ikalawang taon; Eunice Joy Campos, nasa ikatlong taon; at ang panghuli ay sina binibining Grace Garcia at ginoong Emmanuel Salamanca, alumni. Tinukoy ang mga nanalo at buong galak rin na ipinaalam sa lahat ang mga matatanggap na gantimpala ng bawat isa. Nagbigay ng maikling talumpati si binibining Indira Grace Voloso, isa sa mga nagtatag ng BSP, upang magbigay ng kaniyang saloobin sa progresibong paglalakbay ng samahan, gayundin ang kanilang kagalakan dulot ng mahabang panahong itinagal ni Buknoy. Sampu ng kapwa nito tagapagtatag ng samahan kabilang na si Ginoong Kenneth Jiro Agojo ang buong pusong nagpasalamat sa lahat ng naging daan upang mapanatili at mapagyabong pa ang samahan.


Bilang pagtatapos, nagbigay ng pangwakas na mensahe ang kasalukuyang pangulo ng BSP na si Rozela Mapile bilang kinatawan ng lahat ng opisyales sa lahat ng dumalo at nakiisa sa pagtitipong ito. Matapos ipagbigay-alam at anyayahan ang lahat sa gaganaping Kapihan sa gabing iyon, opisyal na ngang tinapos ng punong-abalang si binibining De Guzman ang selebrasyon. Bagama’t natapos na ang okasyon, hindi noon napigilan ang walang tigil na pagkukumustahan at pagkukuwentuhan ng lahat na ipinagbuklod muli ni Buknoy.


 
 
 

Recent Posts

See All
Junk Anti-Terrorism Law

OPISYAL NA PAHAYAG NG PUP-BUKLURAN SA SIKOLOHIYANG PILIPINO HINGGIL SA PAGSASABATAS NG ANTI-TERRORISM BILL SA KABILA NG COVID-19 Tuluyan...

 
 
 

Comments


Post: Blog2_Post
bottom of page